Lamig Agosto 15, 2007
Posted by Raymund in Kapirasong Pakpak.trackback
Umuulan na naman. Dumating daw si Egay. Lumalamig na naman ang pakiramdam ko, at mabilis na naman ako ginawin sa paliligo. Nakakaasar, wala namang dahilan, nalulungkot na naman ako.
Paano kaya kung hindi ko na sila makita muli? Mga kaibigan, mga dating kaklase, mga kakilala, mga kamag-anak, mga minamahal…? Paano kung makalimutan ko sila, mawala na lang sila, hindi na sila uli sumulpot sa buhay ko? Asar. Masyado na naman siguro akong nag-iisip…
Ang mga tao ay sadyang may pangangailangang makisalamuha sa kanilang kapwa. Ang tao rin ay mahilig madikit sa nakaraan, at madalas ay hindi nagugustuhan ang pagbabago. Siguro, kaya gusto ko pa rin sana sila ang kasama ko, siguro, kaya hindi ko magawang mapanatag sa mga bagong mukhang nakikita ko, siguro, kaya pakiramdam ko ako ay nag-iisa…
Hindi ko na sila masyado madalas makita. May buhay rin naman sila, at tao naman sila, hindi naman sila laruan na pwede ko na lang ariin, kunin. Pero hindi naman nakakausap ang laruan…haaay. Ayaw ko pa sana…ayaw ko pa sana…
Paano kaya kung ang paghihiwalay na ito ay permanente? Umalis na sila papuntang ibang bansa, mamatay, mawala sa Bermuda Triangle? Paano pa ang mga bagay na hindi ko nagawa, mga bagay na hindi ko nasabi, mga bagay na hindi nangyari? Paano pa ang lahat ng oras na itatagal ko sa mundong ito na wala sila? na wala siya…? na wala…ikaw…?
Nalulungkot ako. Nilalamig ang dibdib ko.
Mga Puna»
No comments yet — be the first.