jump to navigation

Mali. Oktubre 21, 2007

Posted by Raymund in Katiting na Mata.
trackback

Bakla daw si Dumbledore. Wala lang.

Naisip ko lang, na napakagulo ng mundong ito, na maraming bagay na napakasimple, mga bagay na napakadaling solusyonan, kung susubukan lang, pero mas lalong pinapalala at pinababayaan. Napakagulo ng kung paano tumakbo ang mundong ito; ang mga taong narito, na kay babaw, kay…mali.

Nagtataka ako minsan sa mga problema ng tao…siguro, kaya ko sila hindi maiintindihan, kailanman, ay dahil hindi ako nagkaroon ng ganoong klaseng problema, at malamang hindi magkaroon ng ganoong klaseng problema. Sabihin niyo nang napakakonserbatibo ko. Ganun lang talaga tumakbo ang utak ko.

Natuturuan ba talaga, namamanibela ba talaga, ang nararamdaman? Nababago ba talaga ito, at may kontrol ba tayo dito. May magsasabing oo, at may magsasabing hindi. Nakakaapekto ba ito sa mga desisyon natin? Iyon. Iyon ang masasabi kong nasasaatin kung ano ang isasagot. Hindi naman kasi, siguro, laban ng isipan, at laban ng puso; ito ay laban sa pagitan ng sarili mo, at ng sarili mo. Ang puso mo ay ang asin at paminta, ang isip mo ay kung paano mo lulutuin; pero ang kung ano ang kakainin, ay nasasaiyo, wala sa iyong talino, wala sa iyong pandama. Siguro. Siguro lang.

Huwag niyo ako intindihin. Pilosopo mode na naman ako.

Sabi nga dun sa Florante at Laura, ang mundong ito’y bayan ng hinagpis. Sana nga kung hinagpis lang. Marami ang kaysa gawin ang tama, ay sinasabi na lamang na ang ginagawa nila ang ‘tama’. Nasaan na nga ba ang paghusga sa tama at mali. Mali. Napakaraming mali. At kung sabihan mo pa sila ay aakusahan ka nila, na ikaw ay mapaniil, mapang-abuso, nakakasira sa kanilang kalayaang pumili. Ano nga ba ang kalayaan, kung ikaw ay may pagkakataong pumili, pero ligaw naman ang iyong landas? Haaay.

Minsan, kinakalimutan ko na lang lahat nito, at titingin na lamang ako sa mga ulap, na kay ganda, at walang pakialam sa kanilang paglutang, at ang asul na langit na walang katapusan…ang mga tumatalsik, mga tumitilamsik, na pitik ng araw…at kahit papaano, sa madumi at mababaw na mundong ito, ay may kasiyahan pa rin, sa mga paruparo at mga bituin, at sa mga batang naglalaro ng watusi sa kalye…

…at ako, ang kasiyahan ko, ay sa pagtulog ko, sa aking panaginip, kung nasaan siya, at walang mali.

Mga Puna»

No comments yet — be the first.