jump to navigation

Wala akong maisip na title. Oktubre 26, 2007

Posted by Raymund in Balat na Sunog.
trackback

moth to the lantern
consumed by the flame
purged and removed of
the ash and the dust
all that is left
is sweet smelling incense
and his spectre that blazes bright

it is better
to be swallowed by the light
than to live and be stagnant
in the empty and the dark
moth to the lantern
consumed by the flame
the one that i envy is you

Hindi ako makatulog kapag gabi. Kapag nakalubog na ang araw, kahit man pumapatak ang ulan. Hindi ako matahimik, at parang mas makakapahinga pa ako kung dumaraan ang kamay ng liwanag sa aking bintana. Masyado sigurong tahimik, masyado sigurong madilim. Masyado sigurong maraming espasyo kung saan maaring gumuhit ang aking isipan, at kung saan ako pwede lunurin ng aking gunita…

Wala akong magawa. Sana matanggap ako dun sa mga subject na inenlistan ko. Haaay. Ang baba pa ng grado ko. Napaghahalataang tamad. Sana, hindi na naman mapako ang pangako ko sa sarili ko, sa kasunod na sem, na ako ay mag-aaral ng mabuti. Dapat ko ngang gawin iyon, para hindi nakatigil lang ang aking isipan, at nagliliwaliw sa kung saan-saan, katulad ng ginagawa niya sa itim na gabi…

Mas mataas pa grado ko dun sa mga General Education, o GE. Pero sabi ni zandra, mas ayos pa nga yun. Siguro, sa mindframe, sa point of view na titingnan mo na mas mahirap naman talaga yung major mo, yung specialization mo, tama nga naman na makakuha ka ng mas mataas na grade sa kung saan mas madali. Pero kung iisipin mo, dapat doon ka magaling sa major mo. Haaay. Shift kaya ako. Haha.

Isang buwan, at sampu at mahigit kalahating araw na. Binibilang ko pa kasi e. Haaay. Hindi ko alam, hindi ko alam kung ano ang aking gagawin, at kung kaya ba ng lakas ng loob ko na gawin iyon. Naiingit ako sa gamugamo, na kahit man alam niyang mamamatay siya, ay tuloy pa din ng pagbangga at pagpaso sa sarili sa salamin ng lampara, sa pagtusta sa sarili sa apoy hanggang makarating siya sa kamatayan; alam niya ang gusto niya, at gagawin niya ang lahat para makarating doon. Maganda ang liwanag, at wala na siyang dahilan para mag-alinlangan pa. Ako, hindi ko man alam ang gusto ko, sa kurso ko, sa kanya, na dahilan, kung bakit hindi pa rin ako makatulog…

Wala akong maisip na title. Wala akong maisip na papangalan, na salita, na magkukulong sa lahat nito, sa mga iniisip ko na parang isang tangke ng kape na pinainom sa akin.

Sana. Sana lang.

Hindi ba’t lahat ay panaginip lang, iba-iba lang ang paghimbing? Hindi ba’t lahat ay pangarap din, hindi lang maalala kung kailan ninais…?

(P.S. Titingin ka kaya sa akin ng ganoon, at kahit sandali kaya ay ako ay naaalala? Hindi ko mapigilang mag-isip, kung paano na, paano na, ikaw. Ngingiti ka kaya sa akin ng ganoon? Magkakaroon pa ba ng ganoong pagkakataon? Ang aking isipa’y naglalaro, sa mga tanong na itong mapagbiro, at natutulala ako’t napapaupo, sa aking kama habang niloloko, ng mga paglakbay ng aking imahinasyon.)

gamugamo sa lampara
tinupok ng apoy
tinanggal at sinala
ang dumi at abo
iniwan na lamang
mabangong insenso
at nagliliyab niyang multo

mas mabuti pa
lamunin ng liwanag
kaysa mabuhay, mabulok
na lamang sa dilim
gamugamo sa lampara
tinupok ng apoy
naiingit ako sa iyo

Mga Puna»

No comments yet — be the first.