jump to navigation

Sirko Hulyo 22, 2007

Posted by Raymund in Alikabok sa Hangin.
1 comment so far

Marami pa akong dapat matutunan. Marami pa akong dapat malaman. Marami pa akong gustong malaman. Hindi ko nga lang pwede malaman…mukhang ganoon…sa ngayon.

Hindi ko pa rin alam, kung ayos lang ba ang ginagawa ko…kung ayos lang ba talaga…at pasensya na sa nagbabasa nito, kung masyado akong malabo…dahil hindi ko maaaring sabihin…dahil hindi ko kayang sabihin…dahil lagi naman akong hindi sigurado kung gaano katotoo ang aking sasabihin…kung masasabi ko nga.

Malulungkot muna ako muli, at babaligtad ang aking ngisi.

Masyado nga siguro talagang mabilis umikot ang gulong ng buhay ko, na parang mula sa maliwanag ay nagdidilim. Masyado nga ba akong umaasa? Dapat ko pa bang ipagpatuloy pa? Kung si Charles Darwin ang magpapayo sa akin, ang mga species na mas magaling makakuha ng mate ang nagsusurvive. Ewan ko kung paano nagsurvive ang species ko hanggang ngayon. (Figuratively ito, ha. Hindi homo sapiens ang tinutukoy ko.) Hindi ko pa rin alam…hindi ko malaman…kahit gusto kong malaman…nakakaasar…nakakaasar talaga!

Tatalikod ako, at mananahimik. Magdarasal, manghihingi, mangangarap. Ganoon naman lagi. Parang katulad ng dati. Mula ng inumpisahan ko ito ng hindi naman talaga inumpisahan. Mula nung naumpisahan ang problemang ito at hindi inumpisahan ang solusyon. Katulad ng dati, ay lulutang ng lulutang ang pagkalungkot na ito…sa aking pag-iisa…sa aking pag-iisip…

Pagkukrusin ko na naman ang mga daliri ko.

Hindi lumapit ang paroroonan. Namalikmata lang siguro ako. Mahapdi ang sugat na ito, at napabayaan ko. Lalapit lang ang paroroonan kung lalapit ako. Lalapit…at kung hindi lalayo…

Sana ay makita pa kitang muli.

Sana ay makilala pa kita.

Literal na nga itong sinusulat ko o.

Binubuking ko na nga.

Nagsusulat ako sa kaalamang hindi mo ito mababasa.

O hindi mo alam na ikaw ang kausap ko.

Ikaw nga ba? Ikaw nga ba yan?

Hahaha.

Sana ay mas malaman ko pa kung sino ka.

Sana ay ayos lang sa iyo.

Ulan pt.2 Hulyo 21, 2007

Posted by Raymund in Kapirasong Pakpak.
3 comments

Hahaha. Naulanan kasi ako nung pauwi ako kahapon. (Nag-enjoy ako.) Pumasok tuloy sa isip ko ito.

Para sa dalawang bagay na nagpapangiti sa akin, almost instantly: Ang pagbagsak ng ulan, at ang kanyang ngiti.

Di nais pang tumigil,
Di nais pang magpigil,
Sa pagsapit ng ulan;
Di nais pang humupa,
Di nais pang tumila,
Nais kang makasama,
Sa pagsapit ng ulan.

Sa pagdilim ng langit,
At paglamig ng hangin,
Ikaw ang alaala;
At pagtakbo ng kidlat,
Humahabol ang kulog,
Nais kang maabutan,
Sa pagsapit ng ulan.

Di nais pang sumuko,
Di nais pang umayaw,
Sa pagsapit ng ulan;
Di nais pang humina,
Di nais pang bumagal,
Nais muling makita,
Sa pagsapit ng ulan.

Gulantang Hulyo 20, 2007

Posted by Raymund in Balat na Sunog.
add a comment

Nagulat ako kagabi.

Alam niyo kung bakit?

Ahahahaha.

Minsan nga talaga, may mga bagay na hindi mo inaasahan.

May mga bagay na nakakatawa, nakakatuwa, at nakakagulat. Kaasar, naulit ko yung synonym. Nakakagulantang.

Minsan tuloy ay pakiramdam ko na pinagtitripan ako ng tadhana, at kahit man may mga pagkakataon, na wala akong gawing tama, ay minsan nakasalalay lang sa kanyang ngiti…sa kanyang trip.

Minsan hindi pala nagsisinungaling si Juan Salvador Del Rosario. Congratulations. You said your first sincere statement. Wahahaha.

Minsan hindi naman pala masyado hindi totoo ang mga naririnig mo.

Minsan hindi pala totoo ang ibang iniisip mo, ang ibang nakasanayan mo.

Minsan hindi pala gaano malungkot ang mundo. Minsan ito ay nakakabigla. Nakakagulantang.

Minsan hindi naman masyado sayang na magtype pa ako dito ng mga wala namang halaga sa inyo na kalokohan na nararamdaman ko.

Minsan hindi naman masyado sayang ang mga bagay na nagawa.

Minsan hindi na kailangan mag-alinlangan pa.

Minsan kailangan maging mabilis. At nakakagulantang.

Hindi ko inaasahan na ako rin nama’y mabubulaga.

Hindi ko inaasahan na may maglalagay ng ngiti sa aking mukha.

Hindi ko naman pala masyado maging pessimistic.

Nakakatuwa ang buhay.

Nakakagulantang.

Ulan Hulyo 18, 2007

Posted by Raymund in Kapirasong Pakpak.
add a comment

Paulit-ulit na ako, kung may nabasa na kayong gawa ko dati na tungkol sa ulan. Lagi kong gusto ang ulan. Ang mga patak na bumabagsak mula sa langit, ang mga ulap na hindi na kayang magpigil pa…iyon ang kaibigan ko, ang ulan. Friends kami. Haha. Hindi na niya ako pinapasipon. Paminsan-minsan lang.

Sana ay dumaan siya, dahil kahit Hulyo ngayon, parang hindi siya masyado madalas. Nakakaasar na mga climate change, katulad nga ng sinabi ng aming Kas2 prof. Dahil kapag may ulan, ay pakiramdam ko ay hindi ako nag-iisa, at may kapanalig ako na nandoon lang, umaawit, hindi nagsasalita. Hindi ko kayang lumuha; siya na lang ang luluha para sa akin. Sa aking kalungkutan, siya rin ay nagluluksa, at umaatungal, at sa aking kasiyahan, siya ay nagsasayaw. Tinatago niya ako, at inililihim, inaakbayan, at tinutulungan makalimot, kahit sandali lang, kung gaano kahirap dumaan lang sa buhay na ito…

Minsan ay naiinggit ako sa kanya, dahil nagagawa niyang sabihin ang kanyang hinaing, kahit hindi man natin maintindihan, sa kanyang pagbagsak, at pag-ihip, sa kanyang kidlat at kulog, at nagagawa niyang pakawalan ang matagal na niyang tinimpi. Nagagawa niyang maging maganda sa kanyang pagsabog. Siya ang regalo ng langit sa atin, ang anghel na babasagin. At siya ay nababasag. Hindi ko na kailangan ng payong.

Gusto ko ring makapagsalita tulad niya. Matagal na ako naging ulap…

…matagal na kitang hinahanap-hanap. Huwag ka nang umalis…huwag ka nang tumila pa…

Pintuan Hulyo 13, 2007

Posted by Raymund in Balat na Sunog, Kapirasong Pakpak.
add a comment

May patay dito malapit sa bahay namin.

Ginagawa ko itong post na ito habang nakikipagYM kay Loren, nakikinig sa mga ungol ng mga matandang kumakanta (patawarin sana ako ng Diyos sapagkat ako ay nagkakasala), at under time pressure ng kapatid kong kasing-adik ko magcomputer…magkocomputer siya in a few moments time. Pinipilit ko pa na gumawa ng post. Haha.

Bakit ko pinipilit magpost? Siguro dahil matagal na rin akong hindi nagpopost. (Matagal na daw o.) Siguro dahil para hindi niyo na mabasa ang mga karumal-dumal na mga obsession ko. Isa nga iyon sa mga dapat itala ko, yung mga obsession ko, (isa sa mga well-known ng mga nakakakilala sa akin sa totoong buhay ay ang babaeng pinag-uusapan sa mga nakaraan at hindi masyado nakaraan ng post. Pinag-uusapan pa tuloy. Ako lang pala ang nagsasalita.), saka yung tag sa akin ni Lotta. (Patawarin sana ako uli ng Diyos.) Para nga naman may post na iba naman ang laman.

Dahil sa nabasa ko sa blog ni Lotta tungkol sa kamatayan, (hindi ko pa siya nalilink. Patawarin ako uli ng Diyos.) at sa namatay na lola sa aming kapitbahay (ang musika! aaah!), ay napag-isipan ko ang tungkol dito sa mokong na ito na laging idinidrowing na may kalawit. Kung kalawit man ang tawag doon. Naisip ko, paano kaya ang mamatay? Oo nga, marami pa akong gustong mangyari at dapat gawin, pero kung mamamatay ako, hindi kaya masaya yun? Wala na akong aalahanin. Walang kapatid na magtatime pressure sa akin. Fifteen minutes na lang ako. Matatahimik na lang ako. Wala nga lang siya doon. (Naman. Nasingit ko na naman siya.) Ano sa tingin niyo? Nasaan na ba kasi si Mr. Kalawit…?

Matanda na ang tatay ko, at humahabol ang nanay ko, ako ang panganay, at late pa ako pinanganak, kaya magfi-50 plus na ang tatay ko. Minsan, sa tingin ko, mas mahirap ang buhay nung namatayan kaysa dun sa namatay. Siyempre, wala nang buhay yung namatay e. Sana wag pa muna sila mamatay. At hindi lang naman matanda ang nasa danger na makalawit, pwedeng maaksidente, sumabog ang MRT, masagasaan ng Ikot, mahulog mula sa overpass, etc. Haaay. Sana hindi masakit ang pagkamatay ko. At huwag naman sila masyado umungol sa pagkamatay ko. Please. Mahirap mawalan ng isang bagay, at sa kamatayan, wala ng paraan para makuha ito muli…

Haaay. Patugtog kayo ng masayang kanta sa lamay ko. At huwag kayong magdala ng pagkain. Magugutom ako.

Agap Hulyo 10, 2007

Posted by Raymund in Balat na Sunog.
add a comment

I do desire we may be better strangers. – William Shakespeare, “As You Like It”

Nasasanay na ako.

Routine. Hindi talaga ako mahilig sa routine, pero talagang madaling masanay ang utak ng tao na may ginagawa na paulit-ulit sa araw-araw. Medyo mas late na ako nagigising ngayon dahil walang magsasarado ng pintuan sa akin ng mga seven o’clock. Kaya bihira talaga itong ginagawa ko ngayon na gising na ako ng four o’clock.

Ayun. Wala pa rin ako masyadong official na kakilala sa mga subject ko, bukod dun sa mga makulit, mga napipilitang makipagkilala dahil kailangan ng bolpen, at sa mga biglang kumakausap na lang sa iyo ng walang rason. Haaay. May mga bagay pa rin talaga na hindi ko kayang gawin. Hindi ko kayang baguhin. Siguro.

Hindi pa rin ako ganoon kapalakaibigan. Ako pa rin ang nanahimik sa isang tabi. Hindi ko pa rin alam kung ano ang aking sasabihin, at kung hindi man, kung tama bang sabihin iyon, ayos lang kaya sabihin iyon, paano ba sasabihin iyon, at kung gusto ko ba sabihin iyon…at nauubos ang oras ko sa kakaaway lang sa sarili ko tungkol sa isang bagya na sasabihin. Haaay nga naman.

Minsan napapaisip pa rin ako kung ano, at kung paano ang mga nangyari, kung iba lang ako…may nadudulot nga ba akong epekto sa mundong ito? Hindi ko naman masyado natitilt ang axis niya. Minsan napapaisip ako kung ano ang mangyayari kung magbabago ako…ang mga bagay dito sa mundong ito ay napakabilis magbago…

Haaay. Nag-iisip na naman ako masyado.

Ano ba kasi ang dapat kong sabihin, at paano…?

Ano ba ang sasabihin ko sa iyo?

Tangis Hulyo 6, 2007

Posted by Raymund in Alikabok sa Hangin.
4 comments

…at naiisip ko tuloy kung bakit siya matutuwa na makita ako…

[Ngumiti siya. Napansin niya lang ako nung medyo wala ng laman na tao sa sasakyan. Nakita ko lang ang mga mata niya na kumunot. Ganun siya ngumiti e. Sumisingkit. Natakpan nung bag niya yung bibig niya. Alam niyang ako iyon.]

Minsan, kapag nalulungkot ako, naiisip ko na wala akong kuwenta. Alam ko, alam ko. Narinig niyo na ito sa ibang lugar, sa ibang tao. Di na to orig. Pero totoo ito, para sa akin. Nahahanapan ko lagi ang sarili ko ng mali. Alam naman nating lahat ng di-perpekto ang tao. Masyado ko lang yata napagdiinan yung ‘di-perpekto.’ Yung ‘di-’.

Naiisip ko na wala akong dapat makuha, na dapat matanggap, na wala akong karapatan, kung minsan…na lubus-lubos na ito, at siguro dapat isauli ko pa…dahil nga hindi ako karapat-dapat. Pangit ako, masama ako, tanga ako, mabagal ako, antukin ako, tamad ako, ang gulo ko, ang tahimik ko, ang daldal ko, ang hina ng boses ko, duwag ako, mahina ako…

Pasensya na kayo sa litanya ko. Ganyan gumana minsan ang utak ko.

[Ano sa tingin niyo? Ngumiti nga kaya siya?]

…ano ba ang makikita…ang nakikita niya…?

P.S. Ikatlong beses na. Weee.

Salta Hunyo 30, 2007

Posted by Raymund in Balat na Sunog.
1 comment so far

Ako ay Isko. Alam niyo na yun.

Kahapon ko lang talaga nakumpleto na makita lahat ng mga teacher ko sa mga subject na iba ay required, iba ay pinili, at iba ay napilitang piliin, isang resulta ng aking hindi masyado maagang pagpepreenlist ng aking mga asignatura. Wow, asignatura. Tsaka ko lang naisip na yun ang tagalog ng subject. Ayun. Iyon ay dahil sa prof ko sa Kas 2…na natatakot na ako…ahahaha…kita iyo, nababaliw na ako, nag-iisip pa lang ako ng itatype tungkol sa kanya. Huwag na nga natin pag-usapan ang mga propesor.

Kamusta ang buhay? Ganoon. Ansaya ng buhay ko dahil mahilig ako maglakad, at isama mo yun sa katotohanan na kapag nandito ka sa Diliman, maraming-marami kang lalakarin, kung ayaw mong makuha ni Manong Ikot ang lahat ng iyong pera. At ni Manong Toki pa. Hahaha. Mabait naman (ata) ang mga prof ko, pero kinukulit ako ng danger instinct ko dun nga sa isa kong prof. Kailangan kong galingan! Wag dapat magpakatamad! Mamaya…Hahaha. Hirap talaga baguhin ang mga nakasanayan ng isang batugan. May assignment, may quiz, may exam, at tingnan niyo, nagbablog. Hahaha.

Mukhang hindi nga ako marunong bumitiw sa nakaraan. Wala pa ako talagang nakikilala masyado na mga ibang estudyante, sa aking kaunting linggo dito sa unibersidad na ito, at ang kinakausap ko pa rin ay ang mga dati kong kaklase nung high school. Nakakamiss. Waaah. May mga nakikita akong kaklase nung elementary, at ako ay tuwang-tuwa na hindi nila ako masyado kilala. (May isa yatang nakakilala sa akin. Ewan ko lang. Hindi ako mahilig makipag-usap e.)

Masarap mag-MRT. MRT! Waaah. May naalala na naman ako. Malamig sa loob, kahit na minsan ay bumabalik sa room temperature kapag ang pressure ay…sabihin na lang natin na maraming laman sa loob. Kapag puno yung bandang harapan, yung para sa mga matatanda, mga babae at bata (Bata pa ako! Hindi lang mukha!), ibig sabihin mas lalong siksikan yung mga kasunod. Nung isang araw nga, ewan ko kung bakit, andaming nag-apak sa paa ko. Aray. Nagsasandals pa kasi e.

Hindi ko pa rin natutunan kung saan dapat bumaba sa Katipunan. Waaah.

P.S. Wish me luck in 15 pages, and 1 month.

P.S.S Pansinin niyo naman yung mga abo ng mga scratch paper ko. Andiyan lang sa tabi. Alam kong hindi naman ako masyadong magaling magsulat, pero tingnan niyo na rin. Waaah. Kung tinatamad kayo maggalaw ng mouse, eto.

P.S.S.S. Ano…kasi…paano ba binabago yung ‘add comment’ o yung ‘2 comments’ dun sa itaas ng post? Patulong naman…

Saliw Hunyo 20, 2007

Posted by Raymund in Alikabok sa Hangin, Balat na Sunog.
7 comments

I hope you don’t take it against me that I like you.

Nakita ko kanina, muli, ang pinakamagandang babae sa buong mundo.

Sa tingin ko lang naman, ha.

Ganito kasi iyon. Dapat, wala akong pasok kapag Miyerkules (read: ayon sa aking mahiwagang hindi masyado napili ko na schedule na hindi naman ako masyado naiinis at minsan ay kinaliligayahan ko pa), pero dahil sa mga mahiwagang pangyayari na ginagamit ng aming unibersidad para ipagbunyi ang pagdating ng mga freshmen dito, kailangan ko pumasok, at ayon nga, pumasok ako. Okay. Ayos lang sa akin iyon.

Pagkatapos, naisipan bigla ng aking tatay na naghintay ng sampung taon (counting from marriage) para ako ay ipanganak (kaya matanda na siya…) na ako na ang maghatid sa aking kapatid na babae, kahit pareho naman sila halos ng ruta ng kapatid kong lalaki na nag-aaral sa Maksci (na pagkabagal-bagal maligo, kaya nga siguro ako na lang ang maghahatid para hindi ma-late ang kapatid kong babae.) Kapag panganay ka nga naman. Wala naman akong masyadong choice, hindi ba? Lunok. Sabi ni tatay, Guadalupe na lang daw ako sumakay ng MRT. Haaay.

Habang nandoon ako sa istasyon ng MRT, napag-isip-isip ko, malas siguro talaga ang araw ko. Tumingin ako sa relo. Nasa pagitan ng 6:45 at 6:50. Yung minute hand kakaalis pa lang sa siyam. At ngayon, sa pagbabaliktanaw, mukha ngang tama ako. Kahit dumating ako sa unibersidad ng maaga-aga, wala naman ata na orientation ang Comsci, kaya ayun…napagod ako sa kakalakad (akala niyo ba, hindi ako napapagod?) at nakita ko si JS…tapos tinamad lang ako doon sa mga activity…ayaw pa rin maalis ng aking pagka-antisocial…o baka talagang hindi ako magaling makitungo sa mga hindi ko pa masyado kilala. At mabagal ako makipagkilala. Haha. Okay. So ayun, nalista ko na ang mga rason kung bakit nakakatamad at nakakapagod ang araw na ito. May isa pa pala. Susunduin ko pa uli yung kapatid ko pagdating ng hapon.

Ayun nga, nakatayo ako doon, tumitingin-tingin kung baka may kakilala ako na makita sa aking pagsakay ng tren. Tapos, pinagtripan ako ng pagkakataon. Parang, dyaran! Haha. Ayun. Siyempre, tuwa naman ako. Hindi niya ako napansin. Nakayellow siya, tapos naka-sophomores na jogging pants ng Maksci. Yellow pa rin. Haha.

Okay, so nahihirapan na akong ilagay sa mga salita ang gusto kong sabihin. Bahala na kayong maintindihan ang hindi ko sinasabi.

Napansin lang niya na kasabay ko siya nung sumakay na kami sa jeep. Kumaway siya, ngumiti lang ako, at as usual, wala na naman akong nasabi. Pero…ayun. Hindi ko naman siguro kailangan magmukmok masyado. Kahit ganito kagrabe ang araw ko. Haha.

May apat na taon pa naman ako sa Diliman. At hindi pa naman ako mamamatay.

Salamat…

Dilaw Hunyo 17, 2007

Posted by Raymund in Balat na Sunog.
3 comments

Kakatapos pa lang ng unang linggo ko sa kolehiyo. Nakakapagod. Nag-todo-oversleep ako nung gabi ng Biyernes hanggang umaga ng Sabado. Masarap kasi matulog.

Wala lang. Naisipan ko lang magtype ngayon dito. Marami akong taong matagal ng hindi nakikita, nagpuntahan na sila sa mga iba-ibang unibersidad kung saan sila mag-aaral. May mga kakilala rin naman ako dun sa pinasukan ko, nakikita ko pa rin sila, pero…haaay. Nakakainis. Nakakaasar. Nalulungkot na naman ako.

Medyo nasasanay na rin ako sa ganitong klase ng buhay, kahit ano…nakakapagod. Pero dahil enjoy naman ako maglakad, nararamdaman ko lang ang pagod pagdating sa bahay. Baliw na ata talaga ako.

Ayan. Wala na naman akong masabi. Kaya ako laging nananahimik na lang. May mga bagay lang talagang hindi mapagkasya sa mga salita…nakakainis…nakakaasar…

Wala pa rin akong paraan para punan ang butas na ito. Pumapatak pa rin ang ulan mula rito.